ARTICLE ON CITYHOOD: “CAPAS SUSUNOD NA SIYUDAD NG TARLAC”
Minsang kinilala bilang tanda ng kasaysayan noong ikalawang-digmaang pandaigdig dahil sa Death March, ngayon ang progresibong munisipalidad ay opisyal ng nagtakda ng hakbang tungo sa pagiging siyudad.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 24 S.2017, nailikha ang isang Technical Working Group (TWG) upang mamahala at manguna sa ano mang proseso na kakailanganin para sa “cityhood” ng naturang bayan .
“Ang daan ay maaaring mahaba o mahirap ngunit sa dulo ay nakikita ko na ang Capas bilang isang siyudad sapagkat sa puntong ito, tinitiyak ko na ang Capas ang may pinakamalaking potensyal para maging isang city,” sabi ni Capas Mayor Reynaldo Catacutan.”
Dagdag pa ng alkalde, ang TWG ay naglalayong magpabatid ng kaukulang edukasyon ukol sa proseso at kunin ang opinion o suporta ng taong bayan.
Ayon sa batas, ang mga pangunahing hinihingi ng Local Government Code at Republic Act No. 9009 para maging isang siyudad ang isang bayan o lupon ng mga barangay ay:
Una, dapat ang lokal ay kumikita ng P100 Million kada taon sa nakalipas na dalawang magkasunod na taon alinsunod sa 2000 constant prices at pasok sa alin mang sumusunod: a) Mayroong sinasakupang teritoryo na hindi bababa sa 100sq.km o 10,000
hectares. Samantala, ang Capas ay tinatayang may 43,148.55 na ektaryang lupa; at b) May populasyon na hindi bababa sa 150,000 at pinatutunayan ng National Statistics Office o NSO, habang ang Capas ay kasalukuyang may 146,095 at inaasahang aabot sa itinakdang bilang sa taong 2018 0 2019.
Ang Capas sa nakalipas na mga taon, ay may Annual Income na nasa pagitan ng P 60-100M na tiyak pang mas mataas dahil sa pagdating ng iba’t-ibang naglalakihang mga kumpanya dulot ng New Clark City lalo pa’t 9,000 sa 9,450 ektarya nito ay sakop ng munisipalidad. Higit pa riyan, patuloy ang paglago ng mga negosyo at pag-usbong ng mga lokal at banyagang mga mamumuhunan na siya namang dahil ng mabilis na nagbibigay sigla .
“Noon, ang cityhood ay pangarap ko sa Concepcion pero mukhang mauunahan ata talaga kami ng Capas bilang susunod na siyudad ng Tarlac,” turan ni Cong. Noel L. Villanueva noong nakaraang taon sa Capas Day Celebration.
Samantala, ayon kay Atty. Nicolas Pineda, Municipal Legal Officer, ang inaasam na cityhood ay hindi lamang pagpapalit ng pangalan o estado ng bayan kundi isang napakahalagang hakbang tungo sa mas produktibong Capas.
“Lalaki ang ating annual income at budget, bilang epekto nito, ay mas lalaki ang pondo para sa services, infrastructure, at marami pang iba” paliwanag ni Atty. Pineda.